Thursday, December 30, 2010

anak ng kuneho!!!

year of the rabbit ang 2011!!!





this is going to be a good year!!!



happy new year everyone!!!!


ingat sa paputok, at para safe, labas magpaputok!!!



maligayang pasok at maligo sa bagong taon!!! (bago uli pumasok)...

pasko sa opisina na naman ang eksena para sa taong ito.  at oo, bagong taon eh dito ulit, tulad lang ng last year.  no choice? meron naman, kaya lang eh nataon talaga na may pasok sa mga holidays na to.  hindi tulad ng ibang kompanya na bakasyon na bago pa man ang 25th, sa amin iba. walang hali-holiday!!!! pasok lang ng pasok!!! walang aayaw!!!!


kaya lang eh yung iba eh gusto talagang umayaw.  sino naman ang gugustuhing hindi kasama ang pamilya nila tuwing pasko at bagong taon?  kahit sino naman sigurong may sapak sa ulo eh mas gusto magpakabundat at manuod ng putukan at magpakalango kesa humarap sa kompyuter at makipagdaldalan sa mga kostumer na may sapak din ang pag-iisip.  nakakalungkot nga naman ang realization na kailangan mo pa rin magtrabaho samantalang yung iba eh naglalamyerda na sa bakasyon.


as a consolation prize eh naka-isip na lang ng paraan kung paano i-simulate ang kasayahan dito sa opisina.  may mga gimmick.  may mga raffles, may mga prizes, may videoke, at may pakain, at may videoke session pa!  para naman hindi ma-home sick ang mga empleyado habang nakikipagkindatan sa cursor at nakikipagdebate sa customer na mas maganda ang windows 7 kesa windows 98.  


pero ang mahalaga at ang nakakatuwang bagay, kahit maraming angal at litanya, at sama ng loob; nakangiti at masaya pa rin ang mga tao sa opisina.  at hindi pa rin nawawala yung pagbibigay ng regalo sa mga katropa. at magkakasama sila dito sa piling ng ikalawa nilang pamilya.




at syanga pala, may holiday pay at conversion dahil pumasok ng holiday...


tiba-tiba ito sa enero...



Tuesday, December 21, 2010

huli man daw at magaling...

magka-kampeon pa rin!!!!

at napakasarap nga naman na panalo ng team kankunis noong sabado para tapusin ang season ng css basketball league. pagkatapos ng mahabang taon ng maagang elimination kada torneo eh nakarating din ang team sa finals at naiuwi ang kampeonato.

napakasarap na panalo oo dahil simula pa lang ng liga eh hindi kasama sa mga paborito ang team.  na-revamp kasi ang dating chin chan su/ foxtrot team at may mga nawalang miyembro na napalitan naman ng mga bago.  sabi pa ng mga "critics" bata pa ang team ulit, walang experience, at ang tradisyon lang na meron ang team ay ang matalo at magpahinga ng maaga.  hindi pa man nagsisimula ang laro, on paper eh talo na ang kankunis batay sa mga biased na analysis.  at hindi lang isang beses tinanggalan ng karapatan ang kankunis bago pa man magsimula ang laban.  sa semi-final clash nila laban sa titans, sinabi ng mga "critics" na di kayang tapusin ng kankunis ang serye.  at nang makalusot duda pa rin sila na masusungkit ng koponan ang ultimate na panalo.

kaya motivated ang bawat team members. lalo na si caloy ocampo na syang main man ng grupo na runaway favorite na rin para sa mvp honors.  lahat ganado maglaro. hindi na baleng may injury (si allain umalin pilay, si rolfe garcia pilay din, si randy francisco lasing, si rudolf chua pilay din, at si ryan alberto may rayuma, dala ng old age), lalaro at lalaro pa rin hangga't kakayanin.  kumbaga puso na lang ang puhunan. na siya ring nagdala sa team sa kampeonato. 


team kankunis kasama ng trophy nilang golden buddha



Thursday, December 16, 2010

don't worry, i'm flattened...

imitation is the sincerest form of flattery.

hindi ako ang nagsabi nyan, masyadong malalim ang katagang yan para maisip ko.  naalala ko lang siya nung naglilinis ako ng mga folder at files sa laptop ko minsan...

...at nang mabasa ko ulit yung isang section sa bagong (na medyo luma na rin) edisyon ng isang kilalang newsletter.

nasabi ko na minsan sa isa sa mga sulat ko dito na hindi ito ang una kong espasyo sa blogspot.  nagsulat din ako sa isa pang blogspot na pinasimulan ni kantotandangsora pero hindi na namin naituloy.  medyo nagkatamaran na kasi din nun, at hinde namin masyadong sineryoso.

nagsulat ako ng tsismis nun, kung anu ano lang.  nagbibigay kami ng clue kung sino yung mga tao at happenings na involved at bahala na manghula ang readers kung sino tinutukoy namin.  kaya ang title namin nun eh sinetch itetch. hit na hit ang gossip column naming yun na nagsimulang hobby lang at nilalagay namin sa bulletin board nung dati kong mga ka-team.  tuwang-tuwa ang mga nagbabasa sa narrative namin at kung papaano namin ikwento ang istorya gamit ang wikang fagalog (wikang vaklita).  nagawa naming itago ang tunay na pangyayari at mga nga taong sangkot pero meron pa rin kaming iniwang mga bakas para mapilit mag-imagine at mag-speculate ang readers.  tsismis na tsismis talaga ang dating!

kaya laking gulat namin ng makita namin sa isang kilalang newsletter ang kopya ng aming obra.  hindi actually istorya namin pero kopyang-kopya ang  narrative style pati ang gamit ng wikang fagalog.  at syempre tinodo na, ginamit na rin ang pangalan ng column namin.  marami sa nakabasa ang lumapit sa amin, binati kami dahil lumabas nga ang gawa namin sa newsletter.  pati sila ay nagulat dahil sinabi naming hindi kami miyembro, hindi rin kami contributor at hindi rin kami ang gumawa nung article.  at marami nga ang nakisimpatya sa amin.


kami naman eh gulat din. medyo napailing. hindi naman kasi big deal sa amin yung originality eklat kaya lang eh tama nga yung iba naming readers.  para kaming nanakawan. pero sa isip namin ok na yun, ibig sabihin eh nagustuhan ng marami yung storya namin, nagustuhan nila yung kalokohan namin, kaya nila ginaya.  flattered na kami na ginaya yung gawa namin.  alam naman ng marami kung sino ang original na writers.  kaya hindi na rin namin pina-man hunt yung editor at kung sinumang kamote ang sumulat nung imitation.


at ngayon nga lumabas na yung bago (na medyong luma) edition nung newsletter at andun pa rin yung supposedly eh gossip corner.  tiningnan ko yung istorya; bland na, wala nang wit at wala nang dating sa tingin ko.  at imbes na magpakwela eh tumira pa ng ibang tao.  at sinasabi nga nung ibang readers na ibigay na lang sa amin yung pagsusulat.


hindi na rin siguro.  sa ibang lugar ko na lang siguro isusulat mga tsismis namin...



















together again, once again once more...


narinig ko sa news kanina na muli nang magkasama si dating senador ninoy at dating pangulong cory. umm.. ok alam kong magkasama sila sa langit ngayon... ok parang mali pakinggan; alam nating lahat ng magkasama sila ngayon sa kabilang buhay.

pero ang tinutukoy ko ngayon eh yung magkasama sila sa bagong edition ng 500 pesos.  inilabas na nung nakaraang huwebes ng BSP ang bagong design ng 500 peso bill kung saan magkasama ang dalawang aquino, and this time hindi na malungkot at nakapangalumbaba si ninoy, masaya na syang nakatawa kasama ang nakangiti ring si cory.

miss na kita dear, buti katabi na kita now...



 ayon kay BSP governor amado tetangco binalak nilang pagsamahin ang imahe ng mag-asawa sa perang papel nung pumanaw si ginang aquino at pinagpasyahan nga ang ganito bago pa man magbalak maging presidente si noy.


nakakatuwa nga tingnan ang perang to ngayon although design lang ang pinagbago at walang pinag-iba sa buying power nito (inflation pa rin eh, pero tatanggap pa rin ako ng 500 sa mga ninong at ninang ko). bukod sa mag-asawang aquino mas enhanced an rin ang security features nito para medyo mahirapan naman ang mga counterfeiters.  


nakakatuwa pa nito eh parang nalipat ang mga tauhan ng depratment of tourism sa design team ng BSP dahil kasama sa reverse side ng mga bagong bills yung mga magagandang tourist spot sa pinas.  pilipinas kay ganda talaga!!!

mga ilang taon pa siguro eh magbabago na naman ang design ng mga pera natin.  pero sana gumanda rin ang buying power nito.  at baka sa susunod eh hindi lang dalawang aquino ang nasa 500, ok lang na kasama si noy eh, wag na sanang parang family portrait...



we are family!!!

diyos na mahabagin, wag naman sanang ganito!!!





Wednesday, December 15, 2010

ikaw na ang magaling na drop out!!!

recently lang eh ni-announce ni time magazine managing editor rick stengel ang 2010 person of the year at tulad ng inaasahan ng lahat runaway choice ang isa pang harvard drop-out na naging founder at CEO ng isa sa pinakamalaking hit na nangyari sa kasaysayan ng mundo at ng internet.  walang iba kundi si mark zuckerberg.

Add nyo ako sa FB ha?

sa edad na 26 isa sya mga pinakabatang bilyonaryo ($6.9 billion net worth sabi ng wikipedia) sa buong mundo at ang kanyang Facebook ay kasaluluyang umaani ng kita at around $800 billion.  at tulad ng google nagsimula rin ang FB sa kanyang dorm room at isa rin siyang harvard drop-out tulad ni bill gates.

mantakin mo nga naman, hindi ka natapos ng pag-aaral pero bilyon bilyon naman ang pera mo.  at naisapelikula pa ang storya ng buhay mo. nakakatuwa lang kay zuckerberg eh hindi nya iniisip na negosyo ang facebook kundi isang uri ng public service.  isa pa sinabi niya kamakailan lang na magdo-donate sya ng lampas $100 million para sa isang school system sa tate.  


na ok lang din naman, ilang users lang na dagdag sa FB eh bawi na rin yun.  bilib din ako kay zuckerberg at ayon din ako sa time magazine sa pagpili sa kanya. biro mo hindi natin inakala noon na pwede na tayong magkaroon ng sariling bukid at taniman o ng sarili nating restaurant.  isa pa eh naging mas madali nating nai-stalk ngayon yung crush natin nung gradeschool.  ang pinakamaganda nito eh mas lalong lumiit ang mundo, mas napalapit tayo sa mga kakilala nating matagal nang hindi nakikita at hindi natin mawarian kung nasaang lupalop ba ng mundo. naing isang "community" ang buong mundo.


sige, accept ko na nga yung friend request mo.




(hugot dito ang pic)

Sunday, December 12, 2010

eric part II

napatunayan ko ulit ngayon na ang oras at panahon na ginugugol sa isang mabuti at masayang paraan... ay mabilis lumipas... at bigla na lang natin mamamalayan na sa sobrang bilis eh hindi tayo makasabay kundiman eh hindi natin napapansin ang signal na: SENSYA NA, YOU'RE TIME IS UP.

limang taon.  

matagal ang limang taon kung tutuusin.  pero parang isang iglap lang, isang kurap lang ng mata at sobrang iba na ang magiging hinaharap. at sobrang iba na rin ang sitwasyon ang nasa harap ng mga mata.

ang pinakamasakit na parte nito eh alam mong biktima ka ng sarli mong tagumpay.  napakaganda ng takbo, mahusay ang lahat ng tao.  pero dahil may ego, dahil may yabang at pride na matatapakan, kailangang may masakripisyo.  hindi na bale na maganda ang ipinakita mo.  hindi na baleng napakalaki ng kontribusyon mo.  hindi ka kailangan sa kasalukuyang pagkakataon. paalam.  walang personalan. trabaho lang.


ang hirap unawain.  pero masasabi mo na lang sa sarili mo na minsan kamoteng mag-joke ang buhay.  parang si murphy lang yan.  wala ka ring kasiguraduhan minsan at kailangan eh malakas lang talaga ang puso at isipan mo para harapin ang katotohanan. kahit kailan naman eh hindi naging madali ang buhay.  kaya nga sobrang ganda nito diba.


wala akong masabi kundi maraming salamat.  sa loob ng limang taon eh hindi namin naramdaman na malayo ka sa amin.  mahirap din oo, aminado ako, dahil hindi mo naman ginusto na maging mahina kami.  kailangang makita mong masaktan kami paminsan-minsan para mas maging matatag kami, at tingan mo nga naman ngayon.  lahat ng ito eh produkto ng masigasig mong pag-gabay at pagtitiwala sa amin.  wala talaga akong masabi kundi maraming salamat (maraming salamat talaga, wala kasi ako masabi, bwiset!)


sa kahulihan, hindi naman dito nagtatapos ang lahat. kumabaga ito pa lang ang simula ng kung anumang bagong ibibigay sa atin ni Boss.  so either way hindi rin natin kailangan malungkot.  magpasalamt na lang tayo at meron pa rin Siyang mga bagong plano para sa atin.


at dahil dyan, hindi naman pa katapusan ng mundo. tuloy ang ikot nito at tuloy pa rin ang takbo ng mga relo.

KAYA PARTY PARTY NA LANG TAYO!!!






eric


biglang kumulimlim at bumigat ang kalangitan. natakpan ng madilm na ulap ang kanina'y asul na kalawakan. biglang lumungkot ang paligid, lumakas ang ihip ng hangin at maya maya pa nga'y pumatak na ang ulan. nakikiramay sa atin ang langit. sa pagpatak ng luha natin, s’ya ring patak ng luha ng mga ulap.

kanina ay malakas pa ang tawanan natin. masiglang-masigla ka at hindi kakakitaan ng anumang bakas ng kahinaan. kasabay ng pag-ngiti ng maputla mong labi ay siya ring kinang ng iyong mga mata. ni hindi ko nakita dito ang masamang balita. basta ang alam natin ay masaya tayo, at wala na rin tayong pakialam sa pagtakbo ng oras. kung saan man tayo papunta, wala na rin tayong pakialam, ang mahalaga sa atin ay ang paglalakbay, hindi ang patutunguhan. kahit saan mapadpad, walang problema. madalas mo pa nga akong pangaralan, para kang pari eh. pero aminado naman ako na maganda ang mga sinasabi mo. naniwala ako sa iyo. bakit naman hindi.

ang sabi mo pa ay wala kang kakatakutan basta kasama mo ako. pero sa totoo lang eh sa iyo rin ako kumukuha ng tapang at lakas ng loob. hindi ko na rin sinabi sa iyo, ayaw ko na kasing malaman mo na mahina at duwag rin ako. na hindi ko na rin siguro alam kung ano ang gagawin o kung anong direksyon ang tatahakin kung mag-isa na lang ako. malakas ang loob ko, nangako ka pa kasi sa akin na walang iwanan. ayos na ‘yun basta sinabi mo. at naniwala naman ako. bakit nga naman hindi.

ganon pa man, malaki pa rin ang bilib mo sa akin. sabi mo magaling at malakas ako, na kaya kong tumayo sa sarili kong mga paa. nagpatawa ka pa, sabi mo hindi ka rin mababahala kung mawala ka man kahit anong oras dahil alam mong kakayanin ko naman. sa tagal ng pinagsamahan natin, nasanay na ako sa jologs mong sense of humor na pagkaminsan eh medyo morbid na rin. parang lagi nagbababanta, laging parang may hinihinuha. joke oo, pero palagay ko’y laging may laman. hindi ko na rin pinansin. sanay na ako sa iyo. at pinanghahawakan ko ang pangako mo na walang iwanan. at naniwala uli ako, bakit naman hindi.

…kaya nagulat na lang ako ng mawala ka. walang sabi-sabi. walang warning ‘ika nga. bigla na lang nawala ang ngiti sa maputla mong labi at ang ang kinang sa mga mata mo. wala na rin ‘yung mga malakas na tawanan natin. nawala ang sigla ng paligid. kung gaano kabilis ang takbo ng oras, ganun din ikaw kabilis naglaho. kasama ng pangako mo na walang iwanan. gusto kong magalit sa iyo. hindi ka kasi marunong tumupad sa pangako. mahina at takot ka nga, pero kasama mo pa naman ako ‘di ba. nagtatanong tuloy ako sa sarili ko ngayon kung bakit ako naniwala sa iyo.

pero napag-isip isip ko, hindi nga kita masisisi. alam kong hindi mo rin naman gustong umuna. alam ko kung gaano mo kagusto na sumabay sa bawat hakbang ko. na samahan ako kung saan ko man gustong pumunta. alam ko rin na sasamahan mo ako sa malakas na pagtawa, at maging totoo sa pangako mo. kung may pagkakataon ka pa sana. pero sabi mo nga sa mga pangaral mo, sadyang magulo at makulit ang mundo. lahat ng bagay ay sadyang natatapos. naglalakbay tayo ngayon at minsan mararating natin ang dulo ng kalsada sa oras at pagkakataong hindi natin inaasahan. handa man tayo o hindi, titigil at titigil din ang malakas na pagtawa.

malakas pa rin ang ulan. hindi mo mababakas na mataas ang sikat ng araw kanina. wala ka na nga. pilitin ko man na palabasin ang matamis na ngiti sa mga labi ko, hindi ko rin naman magawa. nalalasahan ko kasi ang maalat na luha ng galing sa mga mata ko. sabay na pumapatak ang luha ko at ang ulan. nakikiramay siguro sa akin ang langit.

damn you murphy!

anything that could go wrong will go wrong...

at napatunayan ko ang bagay na 'yan the hard way...

kung akala mo ok na minsan ang mga bagay bagay, at nasiguro mo na covered na ang lahat, eh saka ka naman paglalaruan ng practical joke ng tadhana.  


at big time na nakakabwisit dahil tulad ng snatcher sa kalye, hindi mo alam kung kelan ka mabibiktima.  at ang mas malala kung kailan alam mong handang handa ka na, eh saka ka madadali, at walang kang magagawa kundi umiling, at ngumiti na lang. mas ok na yun kesa mag-amok ka.


at sa mga ganitong pagkakataon ko naalala ang sinabi ni jim braddock: "i have to believe that when things are bad i can change them".

tulad ng sinabi ko, mas maganda pang ngumiti at magkamot ng batok kesa sa mag-amok.

pero bad trip talaga, nakalimutan ko yung memory card ng camera ko...









 



Friday, December 10, 2010

first time first prize

tinatamad talaga ako punta sa christmas party this year.  oo first time kong maramdaman na tamarin pumunta sa ultimate na salu-salo ng taon.  napakalayo naman kasi ng venue; kung dati eh sa may silver city lang sa may C5, ngayon eh kailangan mong bagtasain ang buong C5 o EDSA para lang makarating sa party place; SMX sa MOA.

ultimate na hassle ang mahabang byahe. sabado pa at hapon ang happenings kaya umaatikabong traffic na naman.  buti na lang at may oplan isnabero na ngayon ang DOTC at medyo mahihiya nang makipag-bargain ng kontrata at tumanggi ng pasahero ang mga taxi drivers.  kaya lang, malayo pa rin yung byahe, hassle pa rin (nasabi ko na ba na hassle talaga?). 

isa pa eh dahil sa theme ng pary this year; FASHION.  eh isa pa naman ako sa mga mokong na walang fashion sense. hinde sa tamad akong mag-try ng fashion, ang siste eh tamad akong isipin kung anuman ang isusuot ko.  masyado na kasi akong komportable na isuot kung anuman ang mahuhugot ko sa aparador.  at kapag bumibili naman ako ng damit eh mas inuuna ko ang comfort kesa sa style.  isa pa, ang style lang na alam ko eh anumang damit na may check!

tinatamad talaga akong pumunta.  pero kailangan...err... gusto kong pumunta.  

syempre gusto kong makita ang performance ng technical support this year. isa sa mga dahilan kung bakit misteryosong naglalaho ang mga team lead sa ops floor at isa mga sangkalan nila eh yung ngang preparasyon.  fine, kahit may obserbasyon ako na bigla pa rin naman talaga silang naglalaho sa ibang normal na araw.

isa pa, libre ang tsibog, libre ang entertainment, at may libre ring fedora hat.  hindi ko naman sya susuotin, na-mention ko lang sya dahil libre nga.


at ang pinakamalupit na enticement kung bakit gusto kong pumunta sa hapening:



consolation prizes pa lang, panalo na!!!! hindi ka makakapulot ng 22" ng lcd at 5K sa daan!!!

pero yun eh kung mananalo ako sa raffle.  kahit kelan; sa school man or sa kung anumang raffle draws na sinalihan ko eh hindi pa ako nanalo sa game of chance na bunutan na to.  sa bingo hinde ren, pina-asa lang ako ng puro pero hindi rin lumabas ang numero ko. malas lang!

pero ok rin lang naman.  isa lang naman sa mga dahilan ko ang prizes kung bakit gusto ko pumunta.  pag nagkataon eh first time kong makakapanalo ng first prize! na sya ring sinabi ko sa sarili ko nung mga nagdaang taon.

ok lang, may prize man o wala.  mahalaga eh may libreng tsibog at kasama ang barkada habang nagsasaya.

balita ko marami din daw tsiks...

 

Thursday, December 9, 2010

straws

kailan mo masasabi na ang isang tao ay "playing the politics right" at "purong nagsi-sipsip"?

hindi natin maiiawasan 'yan, likas na nga siguro sa tao ang magsiguro na s'ya ay nasa isang magandang kalagayan.  sinabi nga ni darwin, survival of the fittest, at instinct na ng tao na gawin ang lahat ng kanyang makakaya para lang mag-survive.

kaya lang, kahit mga edukadong tao mas gustong gamitin ang "feral instinct" kesa ang will power at pagtitimbang ng mga bagay bagay.  wala nang pakialam kung makakasagasa ng kapwa.  wala nang pakialam kung manghihila sya pababa basta siguradong sya ang nasa taas.  kasama na nga yata yun sa kanilang "edukasyon".

hay buhay... 

please please me...

siya nga naman, bakit ba ako magpupumilit...

tama nga ang sabi ng karamihan, hindi lahat eh pwede mong i-please.  magagawa mo lahat ng kaya mong gawin at may value added tax pa pero malamang sa malamang eh hindi pa rin ito kaya i-appreciate.  ok sana kung sa ganun na lang natatapos 'yun...

pero minsan sabog mag-joke ang buhay...

hindi ka na na-appreciate, napulaan ka pa...

at may iyayabang pa sa iyong iba...

isa mga masakit na realidad ng buhay ay ang katotohanan na minsan ay lumalabas na walang kwenta ang mga tama mong nagawa at mas madaling maalala ang ang mga mali. 

nakaka-depress? siguro. pero hindi rito hihinto ang takbo ng mundo ko.  mataas pa rin ang respeto ko sa sarili ko at hindi ako kayang patumbahin ng isang masamang komento.

masakit siguro oo, para kang nasapul ng pellet gun.  sabihin na nating malaki rin ang bilib ko sa sarili ko pero hindi natin maikakaila na hindi ako maapektuhan ng mabibigat na salita.  pero siguro wala na rin akong panahon na indahin ang wala mong kwentang komento dahil alam kong mas marami ang nakaka-alam ng tunay kung halaga.  at sa tingin ko nga eh mas may bilang pa sila kesa sa mapakla mong salita.

wokey, karapatan mo ang pumuna.

pero karapatan ko ring iwanan ka sa ere paminsan-minsan para maisip mo kung ano ang balik sa iyo ng mga sinasabi mo.

hmmmm... siguro next time, mas mahalaga pa rin sa akin ang mga taong umaasa sa akin... mas mahalaga pa rin sa akin ang mga ngiti nila at tahimik na suporta.  

VL ako ng one week boss. ikaw muna ang bahala dito.

 

ang pagbabalik ng sutil na bading...

bakit nga ba ako nagsusulat...

maraming beses ko nang naitanong ito sa sarili ko.  sa tutuusin ay hindi ito ang unang pagkakataon na gumawa ako ng ganitong kalat sa cyberspace.  alam ko pa yung link nung iba dahil nasa favorites ng browser ko.  pero limot ko na ang user name at passwords sa lahat ng blog spots na iyon...

hindi sa pagbubuhat ng sariling sofa eh magaling din naman ako magsulat.  maraming ideya ang nagpapabalik-balik sa isipan ko.  and pinag-iba nga lang eh may katamaran ako, at mahilig akong magningas kugon.  isa na ring sigurong pit-fall ko kung bakit di na nasundan yung mga sinusulat ko noon eh dahil sa sarili kong kayabangan... 

aminado ako, kinailangan ko ang papuri ng iba para ma-validate ang sarili ko. pinilit kong maghanap ng atensyon para magkaroon ng rason para magsulat.  sa maikling sabi (pero malamang mahaba pa rin 'to) nagsusulat ako na iniisip ang sasabihin ng ibang tao kesa ibuhos kung anuman ang nararamdaman ko.  oo, mas inuna ko pang isipin kung matutuwa ba ang magbabasa ng mga sinusulat ko, magiging interesante ba sa kanila, may mapupulot ba silang aral, o dedma at char lang sa kanila ang sinusulat ko.  

isa pa kumitid din ang utak ko dahil balot ako ng inggit.  hindi ko na mahanap ang sarili kong boses dahil sa pagtatangkang pagsama-samahin ang istilo ng ibang manunulat.  pinilit kon gumaya ng istilo pero nauwi rin sa wala.  isa pa eh namangha ako ng husto sa ibang blog layout.  ang gagaling na kasi ng mga tao ngayon.  interactive and fun ang mga blog layout, kaya naman ako parang sanggol na tuwang tuwa sa rotating mobile sa ulunan ng kuna ko.  na umabot pa sa puntong mas mahalaga pa sa akin ang itsura ang espasyo ko kesa sa laman nito.  parang nutribun, malaki pero puro hangin ang loob.  at nagsimula na ulit akong tamarin...

hanggang sa makilala ko ang twitter... yun na ang naging blog spot ko. hindi naging sagabal sa akin ang ihayag ang saloobin ko in 140 characters or less... natuwa ako... siguro dahil may kurot sa pakiramdam kung alam mong may sumasang-ayos sa iyo o nakikitawa sa mga nilagay mo.

pero...

hinahanap pa rin pala ng kamalayan ko ang pagbubuhos ng tunay na damdamin.  yung todong buhos, hindi yung pa-tweetums lang. yung tipong bahala kang sabihin ang punto mo, may silbi man o wala, nang hindi ka natatakot sa sasabihin at husga ng iba.

nagkamali na ako nung una na magsulat na iniisip kung anuman ang magiging puna ng iba... nakulong ako noon sa ideyang dapat ay may wastong istilo at istraktura ang pagsusulat (OK FINE, ANG PAGTA-TYPE!!!). na dapat kung magsusulat ako ay laging may tema.  hindi ko naisip na hindi kailangan ng okasyon, ng tema, o espesyal na pagkakataon para ibuhos mo ang nasa puso't isipan.  

ngayon ko lang naiintindihan... na yun na pala mismo ang pinakamahalagang criteria... magsulat ka kung galit ka, masaya, malungkot, takot, naghihinagpis, gutom, o busog.  at hindi na kailangan ng validation ng iba para lang gumaan ang pakiramdam.  na hindi kailangan ng wastong istilo dahil hindi naman to lalagyan ng grade ng formal theme teacher mo, besides, hindi rin naman libro ang sinusulat ko. isa pa, nakalimutan ko rin si einstein, relative nga pala ang perception sa kung ano ang wasto.

kaya ito, balik sa blog... bakit?

dahil gusto ko.  dahil marami akong gustong sabihin at iparating.  dahil alam ko ngayon na magsusulat ako dahil gusto at hindi dahil gusto ng ibang tao.

tinatamad na ako... 

next time na lang ulit...