Thursday, December 9, 2010

ang pagbabalik ng sutil na bading...

bakit nga ba ako nagsusulat...

maraming beses ko nang naitanong ito sa sarili ko.  sa tutuusin ay hindi ito ang unang pagkakataon na gumawa ako ng ganitong kalat sa cyberspace.  alam ko pa yung link nung iba dahil nasa favorites ng browser ko.  pero limot ko na ang user name at passwords sa lahat ng blog spots na iyon...

hindi sa pagbubuhat ng sariling sofa eh magaling din naman ako magsulat.  maraming ideya ang nagpapabalik-balik sa isipan ko.  and pinag-iba nga lang eh may katamaran ako, at mahilig akong magningas kugon.  isa na ring sigurong pit-fall ko kung bakit di na nasundan yung mga sinusulat ko noon eh dahil sa sarili kong kayabangan... 

aminado ako, kinailangan ko ang papuri ng iba para ma-validate ang sarili ko. pinilit kong maghanap ng atensyon para magkaroon ng rason para magsulat.  sa maikling sabi (pero malamang mahaba pa rin 'to) nagsusulat ako na iniisip ang sasabihin ng ibang tao kesa ibuhos kung anuman ang nararamdaman ko.  oo, mas inuna ko pang isipin kung matutuwa ba ang magbabasa ng mga sinusulat ko, magiging interesante ba sa kanila, may mapupulot ba silang aral, o dedma at char lang sa kanila ang sinusulat ko.  

isa pa kumitid din ang utak ko dahil balot ako ng inggit.  hindi ko na mahanap ang sarili kong boses dahil sa pagtatangkang pagsama-samahin ang istilo ng ibang manunulat.  pinilit kon gumaya ng istilo pero nauwi rin sa wala.  isa pa eh namangha ako ng husto sa ibang blog layout.  ang gagaling na kasi ng mga tao ngayon.  interactive and fun ang mga blog layout, kaya naman ako parang sanggol na tuwang tuwa sa rotating mobile sa ulunan ng kuna ko.  na umabot pa sa puntong mas mahalaga pa sa akin ang itsura ang espasyo ko kesa sa laman nito.  parang nutribun, malaki pero puro hangin ang loob.  at nagsimula na ulit akong tamarin...

hanggang sa makilala ko ang twitter... yun na ang naging blog spot ko. hindi naging sagabal sa akin ang ihayag ang saloobin ko in 140 characters or less... natuwa ako... siguro dahil may kurot sa pakiramdam kung alam mong may sumasang-ayos sa iyo o nakikitawa sa mga nilagay mo.

pero...

hinahanap pa rin pala ng kamalayan ko ang pagbubuhos ng tunay na damdamin.  yung todong buhos, hindi yung pa-tweetums lang. yung tipong bahala kang sabihin ang punto mo, may silbi man o wala, nang hindi ka natatakot sa sasabihin at husga ng iba.

nagkamali na ako nung una na magsulat na iniisip kung anuman ang magiging puna ng iba... nakulong ako noon sa ideyang dapat ay may wastong istilo at istraktura ang pagsusulat (OK FINE, ANG PAGTA-TYPE!!!). na dapat kung magsusulat ako ay laging may tema.  hindi ko naisip na hindi kailangan ng okasyon, ng tema, o espesyal na pagkakataon para ibuhos mo ang nasa puso't isipan.  

ngayon ko lang naiintindihan... na yun na pala mismo ang pinakamahalagang criteria... magsulat ka kung galit ka, masaya, malungkot, takot, naghihinagpis, gutom, o busog.  at hindi na kailangan ng validation ng iba para lang gumaan ang pakiramdam.  na hindi kailangan ng wastong istilo dahil hindi naman to lalagyan ng grade ng formal theme teacher mo, besides, hindi rin naman libro ang sinusulat ko. isa pa, nakalimutan ko rin si einstein, relative nga pala ang perception sa kung ano ang wasto.

kaya ito, balik sa blog... bakit?

dahil gusto ko.  dahil marami akong gustong sabihin at iparating.  dahil alam ko ngayon na magsusulat ako dahil gusto at hindi dahil gusto ng ibang tao.

tinatamad na ako... 

next time na lang ulit...

No comments:

Post a Comment