Sunday, December 12, 2010

eric


biglang kumulimlim at bumigat ang kalangitan. natakpan ng madilm na ulap ang kanina'y asul na kalawakan. biglang lumungkot ang paligid, lumakas ang ihip ng hangin at maya maya pa nga'y pumatak na ang ulan. nakikiramay sa atin ang langit. sa pagpatak ng luha natin, s’ya ring patak ng luha ng mga ulap.

kanina ay malakas pa ang tawanan natin. masiglang-masigla ka at hindi kakakitaan ng anumang bakas ng kahinaan. kasabay ng pag-ngiti ng maputla mong labi ay siya ring kinang ng iyong mga mata. ni hindi ko nakita dito ang masamang balita. basta ang alam natin ay masaya tayo, at wala na rin tayong pakialam sa pagtakbo ng oras. kung saan man tayo papunta, wala na rin tayong pakialam, ang mahalaga sa atin ay ang paglalakbay, hindi ang patutunguhan. kahit saan mapadpad, walang problema. madalas mo pa nga akong pangaralan, para kang pari eh. pero aminado naman ako na maganda ang mga sinasabi mo. naniwala ako sa iyo. bakit naman hindi.

ang sabi mo pa ay wala kang kakatakutan basta kasama mo ako. pero sa totoo lang eh sa iyo rin ako kumukuha ng tapang at lakas ng loob. hindi ko na rin sinabi sa iyo, ayaw ko na kasing malaman mo na mahina at duwag rin ako. na hindi ko na rin siguro alam kung ano ang gagawin o kung anong direksyon ang tatahakin kung mag-isa na lang ako. malakas ang loob ko, nangako ka pa kasi sa akin na walang iwanan. ayos na ‘yun basta sinabi mo. at naniwala naman ako. bakit nga naman hindi.

ganon pa man, malaki pa rin ang bilib mo sa akin. sabi mo magaling at malakas ako, na kaya kong tumayo sa sarili kong mga paa. nagpatawa ka pa, sabi mo hindi ka rin mababahala kung mawala ka man kahit anong oras dahil alam mong kakayanin ko naman. sa tagal ng pinagsamahan natin, nasanay na ako sa jologs mong sense of humor na pagkaminsan eh medyo morbid na rin. parang lagi nagbababanta, laging parang may hinihinuha. joke oo, pero palagay ko’y laging may laman. hindi ko na rin pinansin. sanay na ako sa iyo. at pinanghahawakan ko ang pangako mo na walang iwanan. at naniwala uli ako, bakit naman hindi.

…kaya nagulat na lang ako ng mawala ka. walang sabi-sabi. walang warning ‘ika nga. bigla na lang nawala ang ngiti sa maputla mong labi at ang ang kinang sa mga mata mo. wala na rin ‘yung mga malakas na tawanan natin. nawala ang sigla ng paligid. kung gaano kabilis ang takbo ng oras, ganun din ikaw kabilis naglaho. kasama ng pangako mo na walang iwanan. gusto kong magalit sa iyo. hindi ka kasi marunong tumupad sa pangako. mahina at takot ka nga, pero kasama mo pa naman ako ‘di ba. nagtatanong tuloy ako sa sarili ko ngayon kung bakit ako naniwala sa iyo.

pero napag-isip isip ko, hindi nga kita masisisi. alam kong hindi mo rin naman gustong umuna. alam ko kung gaano mo kagusto na sumabay sa bawat hakbang ko. na samahan ako kung saan ko man gustong pumunta. alam ko rin na sasamahan mo ako sa malakas na pagtawa, at maging totoo sa pangako mo. kung may pagkakataon ka pa sana. pero sabi mo nga sa mga pangaral mo, sadyang magulo at makulit ang mundo. lahat ng bagay ay sadyang natatapos. naglalakbay tayo ngayon at minsan mararating natin ang dulo ng kalsada sa oras at pagkakataong hindi natin inaasahan. handa man tayo o hindi, titigil at titigil din ang malakas na pagtawa.

malakas pa rin ang ulan. hindi mo mababakas na mataas ang sikat ng araw kanina. wala ka na nga. pilitin ko man na palabasin ang matamis na ngiti sa mga labi ko, hindi ko rin naman magawa. nalalasahan ko kasi ang maalat na luha ng galing sa mga mata ko. sabay na pumapatak ang luha ko at ang ulan. nakikiramay siguro sa akin ang langit.

No comments:

Post a Comment